Apr 18, 2013

ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA AKING MGA KLASE

        
Limang buwan ng pagtitiyaga ang iginugol ninyo sa ating klase. Sa mga panahong iyon, pinilit ko kayong gisingin sa katotohanan ng inyong pag-aaral. Sinubukan kong hasain ang inyong pag-iisip at ninais kong bigyan ng ningas at makatulong sa paghubog ng mga nananamlay ninyong perspektibo sa buhay.

 
        
Hindi lingid sa inyong kaalaman ang aking pagtatanggol sa inyong lahat. Sa aking puso't isipan, hindi ko hahayaan na kailanma'y may mga karapatan na nayuyurakan ng iilang mapang-api at ganid sa salapi at kapangyarihan. Saksi ang aking karanasan sa iba't ibang klase ng pang-aalipusta sa mga mag-aaral at ito ay nagdulot ng disilusyon sa akin at sa mga kapwa ko mag-aaral noon. Subalit ako ay naniniwala sa pag-asang dulot ng matinong edukasyon.  
May mga pagkakataong batid kong halos maihi kayo sa takot sa mga tanong na aking ibinabato sa klase. Na kung maari lamang ay hindi ko mabunot ang inyong "class card" o hindi ko kayo mapansin sa pagnanais na takasan ang aking mga "nanganganak na tanong." Sa kabila noon, natutuwa akong mabatid na ang lahat ng iyon ay nagtulak sa inyo upang hindi umasa sa inyong mga kamag-aral kung hindi ay gumawa ng paraaan para sa inyong sariling kaligtasan sa ating klase.
 
         
I may have pushed you to study harder, yet, I regret it not for I know that you were able to see that YOU CAN DO IT ON YOUR OWN! Na kaya ninyong tumayo sa sarili ninyong mga paa at patunayan na hindi ninyo kelangang umasa sa inyong mga kaibigan upang makapasa at magkaroon ng sariling disposisyon sa buhay.
 
        
Paumanhin sa mga pagkakataong inuga ko ang inyong pananampalataya at paniniwala. Hindi ko nais na mawalan kayo ng pag-asa sa Lumikha. Ang nais ko lamang ay makita na anuman ang sabihin ng iba, panghahawakan ninyo ng lubos ang katotohanan ng Ama sa langit. At inuulit ko, lubos ang aking paniniwala sa Maylalang ng langit at lupa- ang pag-asang nagdulot sa akin ng kasiyahan at pagnanais na makatulong sa mga kabataang tulad ninyo- ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa sa aking buhay at pagkatao.

        
Kung alam ninyo lamang ang aking pagnanais na kayo ay makakuwentuhang personal, alaman ang inyong saloobin at ipanalangin ang inyong mga mithiin. Subalit ang oras sa paaralan ay hindi sapat upang ang lahat ng ito ay mangyari. Kung kaya't sa bawat "hi" at "hello" sa pasilyo, sa opisina at kung saan mang lugar ng campus, isang nag-uumapaw na  pagngiti ang aking isinusukli sa bawat isa sa inyo- isang pagngiti na nagnanais sabihing "Huwag kayong bibitaw, huwag kayong susuko, kakampi at kasama ninyo ako sa inyong paglalakbay."
 
        
MARAMING SALAMAT sa mga panahong pinagsamahan natin. Saksi ko ang langit sa pagsasabing napakarami kong natutunan sa loob ng limang buwan ng ating pagsasama-sama. Sa lahat ng ito, isang bagay ang nais kong manatili at itatak sa inyong mga puso.... HIGIT SA PAGIGING PROPESOR, AKO AY KAIBIGAN NG BAWAT ISA SA INYO......SALAMAT... HANGGANG SA MULI NATING PAGKIKITA....